top of page
310784085_471458071666323_5300137803807695717_n.jpg

OPISYAL NA PAHAYAG NG PUPQC-SUPREME STUDENT COUNCIL HINGGIL SA PAGGUNITA NG PATAKSIL NA PAGLIPAT NG MGA LABI NG DATING PANGULONG MARCOS SA LIBINGAN NG MGA BAYANI

Ngayong araw, sa Bantayog ng mga Bayani, ginunita ng mga kabataan, iba't ibang pormasyon at konseho ng mag-aaral ang eksaktong limang taon mula nang ilipat sa libingan ng mga bayani ang labi ng dating pangulo at diktador na si Ferdinand Marcos. Kalahating dekada na ang lumipas ngunit ang pataksil at pangahas na pangyayaring ito ay sariwa pa rin at kailanma'y hindi maibabaon sa limot.

Buhay pa rin ang alaala ng mga taong biktima ng karahasan, pang-aapi, panlilinlang, kawalan ng kalayaan at kahirapan sa ilalim ng diktaduryang Marcos. Hindi kailanman matatakpan ng kahit anong imprastraktura, programa o huwad na polisiya ang katotohanang marami ang nasaktan, namatay, at nagdusa sa ilalim ng diktaduryang rehimen. Hindi makalilimot ang sambayanang Pilipino mula sa malagim na sinapit nitong mapagkaitan ng demokrasya at mga batayang karapatan.

Mariing tumitindig ang PUPQC Supreme Student Council na ang libingan ng mga bayani ay para lamang sa mga taong nagbuwis ng buhay upang matamasa ng bawat Pilipino ang mga batayang karapatan nito. Walang puwang sa libingan ng mga bayani ang isang diktador, magnanakaw at utak ng karahasan. Gayundin naman ay kinukundena ng konseho ang pataksil na pagpapahintulot ng kasalukuyang rehimeng Duterte na ilipat ang mga labi ng dating pangulong Marcos sa libingan ng mga bayani. Ang pangyayaring ito ay isang manipestasyon ng planadong sabwatan sa pagitan ng mga Marcos at Duterte na hindi nararapat purihin o sang-ayunan ninoman.

Gayunman, sa araw ding ito ay nakiisa ang pinakamataas na konseho ng mag-aaral ng PUP Quezon City sa pag-aalay ng bulaklak sa mga tunay na nagbuwis ng buhay alang-alang sa kapakanan ng bayan.


Pagpupugay sa lahat ng ngalang kasangkot sa bantayog ng mga bayani!


#MarcosHindiBayani #NeverAgain #NeverForget

bottom of page