top of page
310784085_471458071666323_5300137803807695717_n.jpg

OFFICIAL STATEMENT OF PUPQC SUPREME STUDENT COUNCIL
CALLING FOR A CLEAN, HONEST, AND FAIR ELECTION 2022

Apat na araw matapos ang Halalan 2022, hindi pa man ganap na opisyal ang resulta ngunit sumulpot na ang mga panawagan tulad ng academic walkout o “No Classes under Marcos Presidency” na bunga ng pagkabalisa ng mga estudyante at mga kritikal sa lipunan dahil sa nagbabadyang pagbabalik ng isang Marcos sa Malacañang at pananatili ng Duterte sa kapangyarihan. Naging malabnaw man ang pagtingin ng nakararami sa naganap na halalan, hindi malilimutan ng mga iskolar ng bayan ang mapait na kasaysayang itinimpla mula sa dugo ng pakikibaka at kabayanihan noong panahon ng diktadurya.

Kahapon, matapos bigyan ng pagkakataong kuhanin ang sentimyento ng bawat Student Organization Presidents ay nagkaroon ng hiwalay na konsultasyon ang PUP Quezon City Supreme Student Council sa mga Class President/Representative upang alamin ang kanilang pagtanaw sa naging sistema ng halalan ngayong taon gayundin ang kanilang sentimyento sa panawagang ‘academic walkout’ sa PUP. Base sa resulta ng konsultasyon, ang lahat ng dumalo ay sumasang-ayon na hindi syento porsyentong malinis ang naganap na halalan. Kinikilala ng bawat isa ang mga iregularidad sa sistema ng COMELEC ngayong halalan dahil mismong ilan sa kanila ay mga buhay na patotoo sa mga anomalyang ito. Sa kabilang banda, kalakhan ng mga lider-estudyante na kumakatawan sa bawat klase ay hindi naman sang-ayon sa panawagang ‘academic walkout’.

Mataas ang respeto at pagkilala ng konseho sa pasya ng mga iskolar ng bayan sa PUP Quezon City. Kaya naman nililinaw ng konseho na hindi sapilitan ang pakikiisa sa mga kilos-protesta o ang anumang katulad na gawain sa labas ng sintang paaralan. Hindi rin ito nangangahulugan na pinipigilan ng konseho ang sinomang estudyante sa PUP Quezon City sa pagsasapraktika ng demokratikong karapatan nilang makilahok sa nasabing gawain. Laging bukas ang lansangan sa kahit sinomang gustong makibaka para sa kinabukasan ng bayan at upang kritikal na punahin ang kamalian ng pamahalaan.

Ang anomang shared post ng konseho na may kinalaman sa student walkout ay hindi nangangahulugan ng pagpilit nito sa mga estudyante na lumahok sa gawaing ito sapagkat kinikilala ng konseho ang malayang pasya ng bawat isa. Ito rin ay upang magbigay ng napapanahong impormasyon sa loob at labas ng sintang paaralan na siyang kaugnay ng isinusulong na adbokasiya ng konseho—ang itaas ang sosyopolitikal na kamalayan ng bawat iskolar ng bayan sa PUP Quezon City.


#Halalan2022 #RejectMarcosDuterte #NeverAgain #NeverForget

bottom of page